Photobucket - Video and Image Hosting

Not the Prinz

Love, Faith, Friendship, Lust, Hatred, Sucess, Failure, Party, Cuties, Hotties, Fashion, Music, Craze...what lies beneath the city of Cabanatuan, the proivince of Nueva Ecija, and other raves of experiences where urge conquers.

Saturday, December 23, 2006

Unang Paskong Wala sa Pinas...

"Pasko na, sinta ko
hanap-hanap kita
Bakit nagtatampo't
nilisan ako

Kung mawawala ka
sa piling ko, sinta
Paano ang Pasko, inulila mo

Sayang sinta ang sinumpaan
At pagtitinginang tunay
Nais mo bang kalimutang ganap
Ang ating suyuan at galak

Kung mawawala ka sa piling ko,
sinta Paano ang Pasko, alay ko sa'yo "

..... dati lagi kong naririning ang kanta na yan, kahit malungkot, at least alam ko malapit na magpasko. Yun bang tipo na kahit san ka magpunta may gayak na tungkol sa darating na kaPaskohan.

.... ganitong time non, tuwing umaga madaling araw pa lang gigising na kaming magkakapatid, pupunta kami sa bukid kasi andaming fog, malamig, naglalaro kami sa hamog,... presko! Pagkatapos ay mangunguha kami ng tuyong dahon ng saging, marami kasi kaming tanim na saging sa bakuran namin, tapos sisigaan namin para matanggal ang ginaw namin.

... minsan naman mangunguha kami ng ginikan, yung stem ng palay pag inani na, tapos yun ang gagawin naming bonfire...

...lagi kaming pinagpprepare ni Nanay ng kamisetang makapal, o yung tinatawag na "sambra" para hindi kami ginawin. Favorite ko nga yung kulay skyblue na parang ginantsilyo... Malamig kasi ang panahon lalo na pag December samin.

....Natatandaan ko pa nga, bisperas pa lang, hinuhukay na namin yung tanim naming ube sa likod bahay kasi si Ate mag ha-haleyang ube daw. Ang sarap nun! Si Ama, tawag namin sa tatay namin, nasa may sapa, nagpapandaw ng umang niyang lambat.. Sigurado pag uwi ang dami na namang isdang dala. Minsan pa nga sinasama nya ako na pumandaw, tinuruan nya din ako kung pano mamangka. Ang sarap matuto parang nag ddrive din ng kotse.. kaya lang ang manibela ay ang sagwan.

...Tapos, namumulot din kami ng hinog na mangga, kasi pag umaga andaming hinog na manga sa ilalim ng punong mangga namin malapit sa sapa. Yun yung mga pahuli or hindi napitas dahil hindi pa gaanong magulang nung anihan pero sa katagalan ay nahinog na rin sa puno...

... Dati nga kami ng bunso kong kapatid, gumagawa kami ng parol katulong si sanse, ditse at dete... tapos pagandahan kami ng buntot ng parol na magagawa. Lagi ang nagagawa ko eh parang hindi okay, kasi mahina talaga ako sa design design na yan.. basta pag pagandahan ng star, naku walang tatalo sakin sa aming magkakapatid.

...Pero ngayon malaki na ako, iba na ang sitwasyon, sweet ap din kaming buong pamilya pero sa unang pagkakataon, hindi ko sila makakasama ngayong pasko. nandito kasi ako sa Brunei, nag wowork, umaasang balang araw maiangat ko ang buhay namin. Kasi malalaki na rin mga kapatid ko, kailngan paghandaan ko ang future nila. Matanda na kasi sila Nanay at Ama baka ndi na nila kayang magtrabaho kaya dapat makaipon ako.

... Mahirap sakin, pero kaya ko sigurong tiisin kahit ilang Pasko, na hindi sila kasama, kung kapalit naman nun eh yung kaganapan ng mga pangarap namin. Alam ko namimiss nila ako... Pero alam ko din ndi naman ito permanente eh.. dahil kahit ano pa mangyari babalik at babalik ulet ako sa Pinas. Para makasama sila lalo na pag Christmas lalo na pag Noche Buena.

...Konting tiis, sigurado, ako, magluluto na lang ako ng noodles.. magppray, magpapasalamat sa lahat ng blessings, pagkatapos tatawag samin sa Pinas para kumustahin ang Pasko nila...

... Miss ko na ang Nueva Ecija... miss ko na ang pinas...miss ko na kayong lahat. Merry Christmas...